Sa tuwing may bagyong humahagupit sa Pilipinas, isang mahabang listahan ng maling impormasyon tungkol sa disaster ang kasunod.
(Panoorin YEARENDER: Disinformation sa mga kalamidad, patuloy na rumagasa nitong 2023)
Na-flag ng VERA Files at iba pang fact checkers kamakailan ang dalawang Facebook post na nag-mislabel sa severe tropical storm Kristine (international name: Trami) bilang isang bagyo at isang super typhoon. Ang terms o salitang ito ay hindi maaaring pagpalitin.
Alas-8 ng umaga noong Okt. 24, inuri ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang tropical cyclone Kristine bilang isang severe tropical storm na may pinakamataas na lakas ng hangin na 95 kilometro bawat oras (km/h) malapit sa gitna at pagbugsong pataas hanggang 160 km/h.
Ipinaliwanag ni Thelma Cinco, hepe ng PAGASA Climatology and Agrometeorology, na ang karamihan sa pinsala mula sa severe tropical storm Kristine ay dahil sa patuloy na malakas na pag-ulan, kaysa sa lakas ng hangin nito.
Idinagdag niya na ang mabagal na paggalaw ni Kristine sa ibabaw ng Philippine Sea sa silangan ng Luzon ay nagdala ng matinding pag-ulan, na nagdulot ng malawakang pagbaha.
Nakapagtala ang Department of Social Welfare and Development ng kabuuang 1.89 milyong apektadong pamilya at 61,407 nasira na bahay sa buong bansa bilang resulta ng Kristine noong hanggang Okt. 29.
Narito ang dalawang bagay na kailangan mong malaman tungkol sa mga alerto ng bagyo.
1. Paano inuuri ang mga tropical cyclone?
Ang mga tropical cyclone sa Pilipinas ay inuri sa limang kategorya batay sa kanilang maximum sustained winds, ayon sa PAGASA:
Signal No. | Signal | Wind threat |
---|---|---|
1 | Tropical Depression | 61 km/h or less |
2 | Tropical Storm | 62-88 km/h |
3 | Severe Tropical Storm | 89-117 km/h |
4 | Typhoon | 118-184 km/h |
5 | Super Typhoon | 185 km/h |
Ang signal ng hangin ay batay sa inaasahang banta ng hangin, tagal ng panahon bago ito magsimula at mga potensyal na epekto sa lokalidad.
Gayunpaman, iginiit ni Cinco na ang iba pang mga panganib tulad ng storm surge at matinding pag-ulan ay maaaring kasama ng isang bagyo at humantong sa malawakang pagbaha at landslide.
“Habang ang bawat tropical cyclone ay nangangailangan ng maingat na paghahanda anuman ang kategorya nito, ang terminong ‘super typhoon’ ay maaaring magdulot ng pag-aalala ng publiko kung minsan,” idinagdag niya sa isang email sa VERA Files Fact Check.
Sinabi ni Robb Gile, senior weather specialist sa Marine Meteorological Services ng Department of Science and Technology-PAGASA, na ang mga kategoryang ito ay hindi nagsasaad kung gaano kalakas ang hangin o ulan na tatama sa isang lugar.
“Ito ang dahilan kung bakit naglalabas ang DOST-PAGASA ng heavy rainfall outlook sa kanilang mga weather advisory, tropical cyclone wind signal sa mga bulletin nito, at (pula, orange, at yellow) heavy rainfall warning para ipaalam ang banta ng aktwal na panganib sa iba’t ibang lugar ng bansa,” aniya.
Ang Hydrometeorology Division ng PAGASA at ang River Basin Flood Forecasting and Warning Centers ay naglalabas ng mga advisory at bulletin na ito.
2. Bakit mahalagang malaman ang pagkakaiba?
Ang signal system ay nagbibigay ng babala sa publiko sa mga posibleng banta mula sa mga tropical cyclone, kaya nakatutulong sa pagtatasa ng panganib at paghahanda.
Bagama’t ang mga klasipikasyong ito ay maaaring mga label lamang, sinabi ni Dr. Edson Tandoc, isang propesor sa communication studies sa Nanyang Technological University sa Singapore, kapag nakita ng mga tao ang hindi pagkakapare-pareho sa pagitan ng sinasabi ng mga siyentipiko at awtoridad, ito ay “maaaring makaapekto sa institusyunal na tiwala” sa mga organisasyon, tulad ng PAGASA , na naglalabas ng gayong mga alerto.
Kapag ang mga label ay hindi tumutugma sa mga karanasan ng mga tao, maaari rin itong makaapekto sa kung paano sila tutugon sa mga anunsyo sa hinaharap.
“Ang maling paggamit ng mga label ngayon ay maaaring magresulta sa hindi sapat na paghahanda ng mga tao sa mga mangyayari sa hinaharap kung hindi nila sinasadyang maliitin ang ilang mga klasipikasyon dahil sa mga nakaraang karanasan,” dagdag ni Tandoc.
Alamin ang mga tip para maiwasan ang disaster misinformation online sa factcheck.ph.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)