Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: HINDI nag-eendorso si Doc Liza Ong ng unregistered prostate cream

WHAT WAS CLAIMED

Ini-endorso ni Dr. Liza Ong ang Sumifun prostate cream na nakagagamot ng prostatitis. Rehistrado ang Sumifun prostate cream sa Food and Drug Administration.

OUR VERDICT

Peke:

Hindi totoong ini-endorso ng Dr. Liza Ong ang Sumifun prostate cream na diumano’y nakagagamot ng prostatitis. Hindi rin rehistrado sa Food and Drug Administration ang naturang produkto.

By VERA FILES

Jan 12, 2024

2-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

May kumakalat na video sa Facebook na nagsasabing si Doc Liza Ong ay nag-eendorso ng pamahid na nakapagpapagaling daw ng prostatitis o pamamaga ng prostate. Dagdag ng video na registered daw itong cream sa Food and Drug Administration (FDA). Peke ito. 

Sa isang Viber message sa VERA Files nitong Jan. 4, itinanggi ni Doc Liza na ineendorso niya ang Sumifun prostate cream at sinabing peke ang video. 

Ang Sumifun ay hindi registered sa FDA bilang produkto man o kompanya.

Ini-upload nitong Dec. 28, inedit ng video ang lumang clip ni Doc Liza para ipagmukhang ineendorso niya ang Sumifun at pinatototohanang ginamit ito ng asawa niya.

Ang pekeng video ay may link sa website kung saan puwede raw bumili ng Sumifun. 

Sa totoong clip na ini-upload noong August 2022, pinag-usapan lang ni Doc Liza ang mga senyales at sintomas ng prostate cancer at nagbigay ng tips kung paano iwasan ito. Hindi binanggit ni Doc Liza ang Sumifun.

Ipinaalala ni Doc Liza na siya at ang asawa niyang cardiologist na si Doc Willie Ong ay may isa lang na official Facebook page.

Dagdag ni Doc Liza: “Hindi napapansin ng mga netizen ang verified blue check. Gaya ng ibang pekeng impormasyon, pinaniniwalaan nila ang kahit anong nababasa nila kahit paulit-ulit na namin itong pinasisinungalingan.”

Ang mag-asawang doktor ay hindi nag-eendorso ng iba pang produkto maliban sa isang milk supplement para sa matatanda. 

Ini-upload ng Facebook page na Prostate Cream JP (ginawa noong Dec. 28, 2023), ang pekeng video ay may higit 1,000,000 views, 13,000 reactions at 1,100 comments.

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.